Miyerkules, Mayo 30, 2012
Page 8
Mayaman ang Pilipinas. Sagana ito sa mga likas na yaman na
ano mang oras ay maaaring pakinabangan ng mga Pilipino. Mayroong mga bundok na
maaaring pagkunan ng mga bungang kahoy at mga yamang mineral. Ang dagat ma’y
naglalaman din ng samu’t saring yaman. Ang laki ng bilang ng populasyon ay
maituturing ding yaman ng ating bansa.
“HOY ROBERT ILIPAT MO NA NGA YAN SA PAGE 8. PARA SA’TENG
TATLO ‘TONG LIBRO A”
“OO NGA. TSAKA UMUSOG KA DUN. ANG SIKIP SIKIP E.
“SUSUMBONG KITA KAY TITSER.”
-Emmanuel T. Barrameda
K to 12
Suot ang puting toga,
dala ang sa leeg ay nakasabit na sampaguita,
sumasabay sa himig ng musikang pangmartsa,
ang speech ni Mayor na sa sobrang haba...
salamat, tapos na!
Ang saya!
Matatanggap ko na ang pinaka-inaasam asam na diploma.
Sa wakas, matutupad ko na ang pangarap kong makapagkolehiyo't makatulong sa pamilya!
"KkRiiiiinGGG!!! KkRiiiiinGGG!!!"-- yung alarm clock.
Bigla akong napabalikwas ng bangon.
Panaginip lang pala ang graduation na yon!
MAY DALAWANG TAON PA PALA!
-Robert Gabriel Cosme
Huwebes, Mayo 10, 2012
BIRHENG MARIA*
Nagtungo ka sa bahay-aliwan,
suot ang kolerete sa iyong mukha.
Baluting naglantad sa iyong murang katawan,
kumukuyakoy sa paghihintay ng parokyano.
Iyong naaalala,
winika noon ni Anna:
“dito ang kita’y nakabubuhay ng pamilya”.
Naisip mong makipagsapalaran.
Tumungo ka kay Boss,
kumapit sa patalim,
nilunok ang dignidad
hanggang maubos.
Lumalim ang gabi,
Nagdaratingan na ang mga parokyano.
Isa-isa kayong pinipili,
Sa’n ka kaya dadalhin?
Nagsimula ang pagpapawis,
nagpakitang-gilas,
nagkalat sa sahig ang pawis at dugo.
Kasabay nito’y nangingilid na rin ang luha mo.
Dumudulas na
ang mga kulob na butil ng likido
mula sa’yong naghuhugis-lambi ng mga mata
sa sakit ng pambubutas ng sanlibong demonyo
ang iyong napupunit at nalagyang-halit na gitna.
Dinala ka ni Hudas sa kalangitan
ipinatikim ang sarap na do’n lamang matitikman.
Nagsabog sa loob ang satanas
at magbubunga ang inyong pagpapalipas.
Natapos ang panandaliang-aliw.
Namutiktik sa penitensya ang gabi.
Pinagputa ka na ng lipunan,
Wala na ang matagal na iningatan.
Pasibol pa lang ang bukang-liwayway,
balot ka ng panghuhusga’t
tampulan ng panlalait at pandidiri,
ika'y walang labang busabos.
Hinahamak ka nila,
tingin sa’yo ay isang basura.
Hindi nila alam,
wala silang alam!
Ginawa mo lamang ito upang maalpasan
kinahaharap na kahirapan.
Hindi mo ito ginusto,
Ikaw ang biktima dito.
Cromwell Allosa
Linggo, Mayo 6, 2012
Samo ng Lakas Paggawa
nakatulala sa alapaap
nagbibilang ng bituin
naghihintay ng bulalakaw
na tutupad sa hiling
di mabilang ang dami ng pangarap
ng hiling
ng pantasyang nabubuhay sa
imahinasyon
humiling sa santo
nakiusap kay bathala
nagmakaawa sa diyos-diyosan
taimtim na nanalanagin sa Dakilang Lumikha
humakbang sa paggawa
lumakad sa mga pagkilos
gumagalaw sa makabuluhang pagtrabaho
naghihintay ng katuparan
nangangailangan ng paggawa
gagawa si manggagawa
kasabay ng pangarap
nagbibilang ng bituin
naghihintay ng bulalakaw
na tutupad sa hiling
di mabilang ang dami ng pangarap
ng hiling
ng pantasyang nabubuhay sa
imahinasyon
humiling sa santo
nakiusap kay bathala
nagmakaawa sa diyos-diyosan
taimtim na nanalanagin sa Dakilang Lumikha
humakbang sa paggawa
lumakad sa mga pagkilos
gumagalaw sa makabuluhang pagtrabaho
naghihintay ng katuparan
nangangailangan ng paggawa
gagawa si manggagawa
kasabay ng pangarap
Dina G. Relojo
Huwebes, Mayo 3, 2012
Wala pa ring Tatalo sa Alaska
Madilim ang paligid pero nakasentro ang isang
bumbilya sa diwa kong gusto nang mamahinga. Mga poster ng tanyag na gatas na
nag-aalok ng walang katapusang sustansya ang bumabalot sa kwadrong ito. Kanina
sigaw ng aray ang tanging binibigkas ng nagdurugo kong bibig na tumitimpla sa
gatas ko sa labi. Ngayon naman tanging aray na lang ang nasa aking isipan.
Higit pa ito sa aray ng sugat-sugat kong katawan. Dahil ito ang aray ng mga
manggagawa na umuusig para sa pinagkakait na karapatan. Ito ay para sa mga
tagapagtimpla ng gatas ng nlipunan subalit tanging am lamang ang maipanlaman sa
tiyan ng kanilang mga patpating anak.
Mga manggagawang may kinakalyong kamay at
patuloy na nakakapit sa mga kinakalawang na patalim. Mga manggagawang may
handog na serbisyo na bumubuhay sa bansa. Pero nasaan sila? Nasa mga
barong-barong, patuloy na nangangarap at nananangis ng isang magandang buhay.
Dahil sa kanila, hindi ako susukong lumaban sa mga sakit, kahit buhay ko pa ang
kapalit.
Isang putok ng baril!
Isang buhay nanaman ang nawala.
Biglang naging pula ang makremang gatas
Wala paring tatalo sa Alaska...
Ian Harvey Claros
Ang Buhay ng Maralita
Si Inang
Kulay pilak na ang buhok
Animo’y ampalaya ang balat
Parang liha ang mga daliri
Nakuba na ang katawan
Di pa sumisikat ang araw
Hawak na ang palo palo
Maghapong nagkukuskos
Kapalit ay manhid at gasgas na kamay
Para sa trenta pesos nyang iaalay
Sa pamilyang matagal ng hinahalay
Ng kahirapang kumikitil sa kanilang
buhay.
Si Amang
Na nasubsob sa pagtatrabaho
Masakit ang likod
Sa maghapong pagyuko
Iniinda ang init ng araw
Na sumusunog ng kaniyang balat
Doon sa palayan siya'y binabayaran
Singkwenta pesos na ang kapalit ay
Arthritis
Maghapong sa tubig ay ibinabad
Katawang pasmado ang tatambad
Di bale ng iikaika sa paglakad
Huwag lamang makaladkad:
Pangarap na sa kahirapan kami'y makaraos at minsa'y lumipad.
Ako
Na nandito lang sa bahay
Nakatunganga buong araw
Masarap ba ang buhay ko?
Dahil di ako tulad ni Inang na
nakukuba sa paglalaba?
O ni Amang na sinusumpong ng
Arthirits?
Ngunit ano nga bang magagawa ko?
Kung ang tirahan namin
ay para lamang lungga
Walang gamit na maaayos
Walang bigas na maluluto
Walang TV o radyo na mapakikinggan
Pinagkait ang edukasyon
Na sana’y natatangi kong libangan
Na sana’y natatanging pag asa ko sa
buhay.
Masarap ba??
Kung sa susunod na araw
Ako na ang makukuba
At magmamana ng Arthritis ni Amang?
*bigla kong naalala ang mga
kababayan nating kapuspalad, partikular sa mga magsasaka.
Estrella Star Cabanlit
Miyerkules, Mayo 2, 2012
Lunes, Abril 30, 2012
Harana Kay Luisita
Di ko batid ni isa sa inyo.
Tulad ng di nila pagkilala-
Silang mga mapagbalatkayong may-ari.
Ngunit sadyang nagpumilit makarating ang balita.
Mula sa kanyang pagkakalipad,
Ay ulit-ulit niya akong sinampal ng balitang kagimbal-gimbal.
Ulit-ulit niya akong dinuraan ng tintang makamatay.
Ulit-ulit. Kaya’t nalaman ko,
Kayo ang mga martyr sa lupa-
oo. maging pagdulang sa puting kasulatan
di sa’kin maitatatwa. Ngunit, alam kong
sa kabiguang mapasakamay; puting papel
ng pagmamay-ari ay pinili ninyo at pinithaya
maging higit pa sa isang tagapangalaga.
Pinilit ninyong pilit; sadyang ipinagkagiit-giit nang pilit-
Kayo ang sa kanila’y nangangalaga.
Hayaan ninyong iparinig ko ang haraya
Ng aking musika.
Sabayan ninyo ang bawat indayog ng nota
Isabuhay ninyo taglay nitong aliwiw at ganda.
Higit lalo ngayong walang tunog ang hustisiya.
Pakapakinggan ninyo ang tugtugin kong Agunyas;
Alay ko sa mga buhay na nalagas.
Hayaan ninyong ipagdasal ko kayo araw-araw.
Makiisa kayo sa’king pagpulas-
Bawat bigkas ko sa misteryo; ng banal na rosaryo.
Pipilitin kong maging manang na paladasal
Higit lalo ngayong walang puso mga nagmamay-ari
Lupang pinaghihirapan
Nang mga nagtingkal.
Paulit-ulit kong iuusal ang bawat dasal
Hanggang dinggin aking pagsamo ng Maykapal-
Alay ko sa mga taong nanghimagal
At sa mga ibinayubay nang matagal.
Ngayon at sa mga susunod pang bukas…
Ang aking pagtugtog ng agunyas
Ay halutiktik lamang ng butiki
Sa aking pagdarasal ng bawat misteryo
Ay igik lamang ng daga.
Ngunit nakasisiguro akong
Ang bawat paghalutiktik at pag-iigik
Ay unti-unting pag-ukit
Sa inyong mga isip
Kalakip ang pagngatngat
Ng konsensiyang nang-uusig; nambabanat.
*isinulat noong abril 21, 2012- 1: 25 n.u
Jaco B. Tango
Itinagong Kinabukasan
Tagu-taguan, maliwanag ang buwan
Gabi na’y buhat pa rin ang nasa likuran
Upang may ipambaon si bunso sa kinabukasan
Wala sa likod, wala sa harap
Ng mga bulsang punit na sa kaka-kapkap
Ng perang pambili ng pagkaing masasarap
Pagbilang ng tatlo, nakatago na kayo
Sa masikip na barung-barong katabi ng estero
Na may nabubulok na kahoy at kinakalawang na pako
Tatlo, dalawa, isa
Isang ale ang nagpabuhat ng kanyang dala-dala
Kahit papano’y binigyan ako ng kaunting barya
Sa tatlo kong anak, pilit na ipagkakasya
Maipapatikim ang malagkit na kaning may sabaw
Dalawang beses sa isang araw
Sapat na sakin ang kapeng malabnaw
Maitawid lang sila sa matinding pagkauhaw
Tagu-taguan maliwanag ang buwan
Gabi na’y nakatingin pa rin sa kawalan
Pagod na sa kahahanap ng itinagong kinabukasan
*alay sa mga lumpen, mala-mangagawa’t mangagawang napagsasamantalaha’t pinagkakaitan
Robert Gabriel Cosme
Linggo, Abril 29, 2012
Wanted
Wanted: Construction Worker
Si Baldo nag-apply nang Linggo
Nagsimula kinaumagahan alas otso.
hukay sa umaga
semento sa tanghali
palitada sa hapon.
Sa ikapitong araw,
ba-vale sana,
pero bulyaw lang ang tugon ni porman
palitada sa umaga
semento sa tanghali
hukay sa hapon.
Sa akinse ng Mayo,
baon na sa utang si Baldo
si porman mainit na naman ang ulo
“Sa
makalawa na ang sahod niyo!”
Hukay sa umaga
sa hapon, semento at
palitada ng lapida.--Wanted: Baldomero Romero
Emmanuel T. Barrameda
Sabado, Abril 28, 2012
Klasipayd Ads
Sa
nilamukot na pahina ng Taliba nakatagpo siya ng isang mapanghalinang paanyaya.
WANTED:
DRIVER (URGENT)
- with two year experience.
Hala. Maguumpisa pa lang akong magtrabaho kung
saka-sakali. Paano naman ako magkakaroon ng dalawang taong karanasan sa
pagtatrabaho.
- at least college graduate.
Galing. Kailangan nap ala ngayon ang diploma at mataas na
kaalaman sa pagmamaneho ng
sasakyan.
- willing to work under pressure.
Requirements pa nga lang nakaka-pressure na. Malamang
sa alamang sa mismong trabaho higit pa dito ang pressure na mararanasan ko.
- with pleasing perso…
(NOKIA TONE)
”Hello
Bakulaw!”
“Hello Boss.”
“Punta
ka sa lungga mamayang hatinggabi may itutumba tayong aktibista sa may Mendiola.”
“Okidok
Boss!”
-Emmanuel T. Barrameda
-Emmanuel T. Barrameda
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)