Huwebes, Mayo 3, 2012

Ang Buhay ng Maralita

Si Inang
Kulay pilak na ang buhok
Animo’y ampalaya ang balat
Parang liha ang mga daliri
Nakuba na ang katawan
Di pa sumisikat ang araw
Hawak na ang palo palo
Maghapong nagkukuskos
Kapalit ay manhid at gasgas na kamay
Para sa trenta pesos nyang iaalay
Sa pamilyang matagal ng hinahalay
Ng kahirapang kumikitil sa kanilang buhay.

Si Amang
Na nasubsob sa pagtatrabaho
Masakit ang likod
Sa maghapong pagyuko
Iniinda ang init ng araw
Na sumusunog ng kaniyang balat
Doon sa palayan siya'y binabayaran
Singkwenta pesos na ang kapalit ay Arthritis
Maghapong sa tubig ay ibinabad
Katawang pasmado ang tatambad
Di bale ng iikaika sa paglakad
Huwag lamang makaladkad:
Pangarap na sa kahirapan kami'y makaraos at minsa'y lumipad.


Ako
Na nandito lang sa bahay
Nakatunganga buong araw
Masarap ba ang buhay ko?
Dahil di ako tulad ni Inang na nakukuba sa paglalaba?
O ni Amang na sinusumpong ng Arthirits?
Ngunit ano nga bang magagawa ko?
Kung ang tirahan namin ay para lamang lungga
Walang gamit na maaayos
Walang bigas na maluluto
Walang TV o radyo na mapakikinggan
Pinagkait ang edukasyon
Na sana’y natatangi kong libangan
Na sana’y natatanging pag asa ko sa buhay.
Masarap ba??
Kung sa susunod na araw
Ako na ang makukuba
At magmamana ng Arthritis ni Amang?


*bigla kong naalala ang mga kababayan nating kapuspalad, partikular sa mga magsasaka.

Estrella Star Cabanlit

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento