Huwebes, Mayo 10, 2012

BIRHENG MARIA*



Nagtungo ka sa bahay-aliwan,
suot ang kolerete sa iyong mukha.
Baluting naglantad sa iyong murang katawan,
kumukuyakoy sa paghihintay ng parokyano.

Iyong naaalala,
winika noon ni Anna:
“dito ang kita’y nakabubuhay ng pamilya”.
Naisip mong makipagsapalaran.
Tumungo ka kay Boss,
kumapit sa patalim,
nilunok ang dignidad
hanggang maubos.

Lumalim ang gabi,
Nagdaratingan na ang mga parokyano.
Isa-isa kayong pinipili,
Sa’n ka kaya dadalhin?

Nagsimula ang pagpapawis,
nagpakitang-gilas,
nagkalat sa sahig ang pawis at dugo.
Kasabay nito’y nangingilid na rin ang luha mo.
Dumudulas na
ang mga kulob na butil ng likido
mula sa’yong naghuhugis-lambi ng mga mata
sa sakit ng pambubutas ng sanlibong demonyo
ang iyong napupunit at nalagyang-halit na gitna.
Dinala ka ni Hudas sa kalangitan
ipinatikim ang sarap na do’n lamang matitikman.
Nagsabog sa loob ang satanas
at magbubunga ang inyong pagpapalipas.

Natapos ang panandaliang-aliw.
Namutiktik sa penitensya ang gabi.
Pinagputa ka na ng lipunan,
Wala na ang matagal na iningatan.

Pasibol pa lang ang bukang-liwayway,
balot ka ng panghuhusga’t
tampulan ng panlalait at pandidiri,
ika'y walang labang busabos.

Hinahamak ka nila,
tingin sa’yo ay isang basura.
Hindi nila alam,
wala silang alam!
Ginawa mo lamang ito upang maalpasan
kinahaharap na kahirapan.
Hindi mo ito ginusto,
Ikaw ang biktima dito.


Cromwell Allosa

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento