Miyerkules, Mayo 30, 2012


Page 8



Mayaman ang Pilipinas. Sagana ito sa mga likas na yaman na ano mang oras ay maaaring pakinabangan ng mga Pilipino. Mayroong mga bundok na maaaring pagkunan ng mga bungang kahoy at mga yamang mineral. Ang dagat ma’y naglalaman din ng samu’t saring yaman. Ang laki ng bilang ng populasyon ay maituturing ding yaman ng ating bansa.

“HOY ROBERT ILIPAT MO NA NGA YAN SA PAGE 8. PARA SA’TENG TATLO ‘TONG LIBRO A”
“OO NGA. TSAKA UMUSOG KA DUN. ANG SIKIP SIKIP E.
“SUSUMBONG KITA KAY TITSER.”



-Emmanuel T. Barrameda

K to 12

Suot ang puting toga,
dala ang sa leeg ay nakasabit na sampaguita,
sumasabay sa himig ng musikang pangmartsa,
ang speech ni Mayor na sa sobrang haba...
salamat, tapos na!
Ang saya!
Matatanggap ko na ang pinaka-inaasam asam na diploma.
Sa wakas, matutupad ko na ang pangarap kong makapagkolehiyo't makatulong sa pamilya!

"KkRiiiiinGGG!!! KkRiiiiinGGG!!!"-- yung alarm clock.
Bigla akong napabalikwas ng bangon.
Panaginip lang pala ang graduation na yon!
MAY DALAWANG TAON PA PALA!


-Robert Gabriel Cosme

ituro natin sa kanyang rehimen na obligasyon ang EDUKASYON.

Huwebes, Mayo 10, 2012

BIRHENG MARIA*



Nagtungo ka sa bahay-aliwan,
suot ang kolerete sa iyong mukha.
Baluting naglantad sa iyong murang katawan,
kumukuyakoy sa paghihintay ng parokyano.

Iyong naaalala,
winika noon ni Anna:
“dito ang kita’y nakabubuhay ng pamilya”.
Naisip mong makipagsapalaran.
Tumungo ka kay Boss,
kumapit sa patalim,
nilunok ang dignidad
hanggang maubos.

Lumalim ang gabi,
Nagdaratingan na ang mga parokyano.
Isa-isa kayong pinipili,
Sa’n ka kaya dadalhin?

Nagsimula ang pagpapawis,
nagpakitang-gilas,
nagkalat sa sahig ang pawis at dugo.
Kasabay nito’y nangingilid na rin ang luha mo.
Dumudulas na
ang mga kulob na butil ng likido
mula sa’yong naghuhugis-lambi ng mga mata
sa sakit ng pambubutas ng sanlibong demonyo
ang iyong napupunit at nalagyang-halit na gitna.
Dinala ka ni Hudas sa kalangitan
ipinatikim ang sarap na do’n lamang matitikman.
Nagsabog sa loob ang satanas
at magbubunga ang inyong pagpapalipas.

Natapos ang panandaliang-aliw.
Namutiktik sa penitensya ang gabi.
Pinagputa ka na ng lipunan,
Wala na ang matagal na iningatan.

Pasibol pa lang ang bukang-liwayway,
balot ka ng panghuhusga’t
tampulan ng panlalait at pandidiri,
ika'y walang labang busabos.

Hinahamak ka nila,
tingin sa’yo ay isang basura.
Hindi nila alam,
wala silang alam!
Ginawa mo lamang ito upang maalpasan
kinahaharap na kahirapan.
Hindi mo ito ginusto,
Ikaw ang biktima dito.


Cromwell Allosa

Linggo, Mayo 6, 2012

Samo ng Lakas Paggawa

nakatulala sa alapaap
nagbibilang ng bituin
naghihintay ng bulalakaw
na tutupad sa hiling

di mabilang ang dami ng pangarap
ng hiling
ng pantasyang nabubuhay sa
imahinasyon

humiling sa santo
nakiusap kay bathala
nagmakaawa sa diyos-diyosan
taimtim na nanalanagin sa Dakilang Lumikha

humakbang sa paggawa
lumakad sa mga pagkilos
gumagalaw sa makabuluhang pagtrabaho

naghihintay ng katuparan
nangangailangan ng paggawa
gagawa si manggagawa
kasabay ng pangarap


Dina G. Relojo

Huwebes, Mayo 3, 2012

Wala pa ring Tatalo sa Alaska

Madilim ang paligid pero nakasentro ang isang bumbilya sa diwa kong gusto nang mamahinga. Mga poster ng tanyag na gatas na nag-aalok ng walang katapusang sustansya ang bumabalot sa kwadrong ito. Kanina sigaw ng aray ang tanging binibigkas ng nagdurugo kong bibig na tumitimpla sa gatas ko sa labi. Ngayon naman tanging aray na lang ang nasa aking isipan. Higit pa ito sa aray ng sugat-sugat kong katawan. Dahil ito ang aray ng mga manggagawa na umuusig para sa pinagkakait na karapatan. Ito ay para sa mga tagapagtimpla ng gatas ng nlipunan subalit tanging am lamang ang maipanlaman sa tiyan ng kanilang mga patpating anak.
Mga manggagawang may kinakalyong kamay at patuloy na nakakapit sa mga kinakalawang na patalim. Mga manggagawang may handog na serbisyo na bumubuhay sa bansa. Pero nasaan sila? Nasa mga barong-barong, patuloy na nangangarap at nananangis ng isang magandang buhay. Dahil sa kanila, hindi ako susukong lumaban sa mga sakit, kahit buhay ko pa ang kapalit.
Isang putok ng baril!
Isang buhay nanaman ang nawala.
Biglang naging pula ang makremang gatas
Wala paring tatalo sa Alaska...

Ian Harvey Claros

Ang Buhay ng Maralita

Si Inang
Kulay pilak na ang buhok
Animo’y ampalaya ang balat
Parang liha ang mga daliri
Nakuba na ang katawan
Di pa sumisikat ang araw
Hawak na ang palo palo
Maghapong nagkukuskos
Kapalit ay manhid at gasgas na kamay
Para sa trenta pesos nyang iaalay
Sa pamilyang matagal ng hinahalay
Ng kahirapang kumikitil sa kanilang buhay.

Si Amang
Na nasubsob sa pagtatrabaho
Masakit ang likod
Sa maghapong pagyuko
Iniinda ang init ng araw
Na sumusunog ng kaniyang balat
Doon sa palayan siya'y binabayaran
Singkwenta pesos na ang kapalit ay Arthritis
Maghapong sa tubig ay ibinabad
Katawang pasmado ang tatambad
Di bale ng iikaika sa paglakad
Huwag lamang makaladkad:
Pangarap na sa kahirapan kami'y makaraos at minsa'y lumipad.


Ako
Na nandito lang sa bahay
Nakatunganga buong araw
Masarap ba ang buhay ko?
Dahil di ako tulad ni Inang na nakukuba sa paglalaba?
O ni Amang na sinusumpong ng Arthirits?
Ngunit ano nga bang magagawa ko?
Kung ang tirahan namin ay para lamang lungga
Walang gamit na maaayos
Walang bigas na maluluto
Walang TV o radyo na mapakikinggan
Pinagkait ang edukasyon
Na sana’y natatangi kong libangan
Na sana’y natatanging pag asa ko sa buhay.
Masarap ba??
Kung sa susunod na araw
Ako na ang makukuba
At magmamana ng Arthritis ni Amang?


*bigla kong naalala ang mga kababayan nating kapuspalad, partikular sa mga magsasaka.

Estrella Star Cabanlit