Di ko batid ni isa sa inyo.
Tulad ng di nila pagkilala-
Silang mga mapagbalatkayong may-ari.
Ngunit sadyang nagpumilit makarating ang balita.
Mula sa kanyang pagkakalipad,
Ay ulit-ulit niya akong sinampal ng balitang kagimbal-gimbal.
Ulit-ulit niya akong dinuraan ng tintang makamatay.
Ulit-ulit. Kaya’t nalaman ko,
Kayo ang mga martyr sa lupa-
oo. maging pagdulang sa puting kasulatan
di sa’kin maitatatwa. Ngunit, alam kong
sa kabiguang mapasakamay; puting papel
ng pagmamay-ari ay pinili ninyo at pinithaya
maging higit pa sa isang tagapangalaga.
Pinilit ninyong pilit; sadyang ipinagkagiit-giit nang pilit-
Kayo ang sa kanila’y nangangalaga.
Hayaan ninyong iparinig ko ang haraya
Ng aking musika.
Sabayan ninyo ang bawat indayog ng nota
Isabuhay ninyo taglay nitong aliwiw at ganda.
Higit lalo ngayong walang tunog ang hustisiya.
Pakapakinggan ninyo ang tugtugin kong Agunyas;
Alay ko sa mga buhay na nalagas.
Hayaan ninyong ipagdasal ko kayo araw-araw.
Makiisa kayo sa’king pagpulas-
Bawat bigkas ko sa misteryo; ng banal na rosaryo.
Pipilitin kong maging manang na paladasal
Higit lalo ngayong walang puso mga nagmamay-ari
Lupang pinaghihirapan
Nang mga nagtingkal.
Paulit-ulit kong iuusal ang bawat dasal
Hanggang dinggin aking pagsamo ng Maykapal-
Alay ko sa mga taong nanghimagal
At sa mga ibinayubay nang matagal.
Ngayon at sa mga susunod pang bukas…
Ang aking pagtugtog ng agunyas
Ay halutiktik lamang ng butiki
Sa aking pagdarasal ng bawat misteryo
Ay igik lamang ng daga.
Ngunit nakasisiguro akong
Ang bawat paghalutiktik at pag-iigik
Ay unti-unting pag-ukit
Sa inyong mga isip
Kalakip ang pagngatngat
Ng konsensiyang nang-uusig; nambabanat.
*isinulat noong abril 21, 2012- 1: 25 n.u
Jaco B. Tango